|
|
Home | Profile | Speeches | Bills | Legislative Agenda | News Bytes | Message from Bobby Tanada |
|
| TANADA OPENING STATEMENT IMPEACHMENT TRIAL OF JOSEPH EJERCITO ESTRADA Senate Congress of the Philippines, Dec. 7, 2000
Halos nasabi na ang lahat na dapat sabihin ng aking mga kasamahang prosecutors. Subalit meron pang naiiwan. Marami-rami pa. Hindi po marahil kasing sensational at dramatic pero masasabing bigat din pong mga kasalanan. The assignment of our Panel of Prosecutors is perhaps the simplest. Ang aming tungkulin ay patunayan na sadya at tandisang nilabag ni Pangulong Estrada ang Saligang Batas at ang kanyang panunumpa nang ginawa niya ang mga sumusunod: Una, noong inutusan niya ang Commissioner of Customs na isuko ang 52 mga mamahalin at maluluhong sasakyan na kinumpiska nito upang ipagamit sa mga miyembro ng kanyang gabinete at iba pang opisyales sa Malacanang. Ito ay labag sa Saligang Batas, sa Tariff and Custom Code at sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Pangalawa, noong hinirang niya ang ilang miyembro ng kanyang gabinete, o' ang mga deputy o tauhan nito, sa iba pang katungkulan. Ito ay labag sa Section 13, Article VII ng ating Saligang Batas at taliwas sa desisyon na rin ng ating Korte Supreme sa kasong pinamagatang Civil Liberties Union laban sa Executive Secretary. Pangatlo, noong hinirang niya ang kanyang mga kamag-anak sa mga puwesto sa gobyerno tulad ni Raul de Guzman ang anak niya na si Roberto de Guzman, si Capt. Rufino P. Pimentel at si Cecilia Ejercito de Castro. Pang-apat, noong inaprobahan niya ang P 100 M donasyon ng Philippine Charity Sweepstakes sa isang private foundation na pinamumunuan ng unang ginang. na ang tangapan ay nasa kanilang tahanan. Ang mga gawaing ito ni Pangulong Estrada at yong nabanggit na noong mga kasama kong prosecutors,ay nabulgar na noon pa sa mga periodico at tiyak na dokumentado. Kung ang mga may hawak ng mga dokumento yan ay magpapa-katotoo lamang, marahil ay hindi na kailangang magharap pa ng maraming testigo at humaba pa ang paglilitis nito. Mr. Presiding Officer, Honorable Senators, tatalakayin ko po ngayon ang dalawang bagay na kailangang liwanagin upang lubos na maintindihan ng ating mga kababayan kung ano talaga ang buod ng paglilitis na ito. Una, ano ba talaga ang paglilitis na nagaganap ngayon na kung tawagin sa wikang ingles ay Impeachment? Ano bang klaseng usapin ito? Ito ba ay isang paglilitis na kriminal tulad nang iginigiit ng mga abogado ni Presidente Estrada? Hindi na kailangan makikipagtalo sa kanila, sapagkat ang kasagutan ay mababasa sa natin sa Record ng Constitutional Commission na siyang sumulat ng ating Saligang Batas. Nilalaman ng nasabing Record ang talakayan ng mga miyembro ng nasabing Commission tungkol sa bagay na ito, kaya dito na tayo tumungo upang malinawan. Pakinggan po natin ang pagpapa-liwanagan ng mga miyembro ng Constitutional Commission noong ika-26 ng Hulyo, 1986: Tanong ni Komisyonado MAAMBONG:" Ang aking tanong ay tutungo sa puntong ito upang hindi tayo mahirapan sa mga susunod na panahon. . . Ang aking tinutukoy ay ang tunay na katangian ng pamamaraang Impeachment na nagpahirap sa amin na mga miyembro noon ng Committee on Justice and Good Government na sumakop sa sakdal na ihinarap laban kay dating Presidente Marcos. . . . . . Ano talaga ang opinyon ninyo ngayon, tungkol sa pamamaraang Impeachment? Ito ba ay isang paglilitis-kriminal o' hindi? At kung gayon, gagamitin ba natin ang mga tuntunin ng batas-kriminal?" Pakinggan naman natin ang sagot ni Komisynado Romulo: SAGOT NI G. ROMULO. . ." Sa ganang amin, ang proceso ay may-halintulad sa isang paglilitis na kriminal ngunit ang buod na katangian nito ay hindi isang paguusig na kriminal. Ang layunin ng Impeachment ay ang pagtanggal lamang ng nanunungkulan dahil sa mga kasalanang kanyang ginawa. . . At saka siya pananagutin sa hiwalay na paguusig, maging kriminal o' sibil, tungkol sa kanyang mga ginawa." "At pakinggan rin natin ang pangalwang tanong ni Komisyonado Maambong at ang naging sagot ni Komisyonado Romulo:" TANONG NI G. MAAMBONG. "Sa bagay ng pagharap ng ebidensya, halimbawa, kung ito'y Pagtataksil or Pagsusuhol, gagamitin ba ang mga patakaran sa paglilitis kriminal, ngayon na ito ay mga pagkakasala na pinarurusahan ng ating batas-kriminal?" SAGOT NI G. ROMULO. . ". . Ang aking opinyon ay, maliwanag na sa hukumang kriminal gagamitin ang lahat na pinakamaliit na detalye ng ebidensiya at mga patakaran at ang karapatdapat na palakaran. Ngunit, maari tayong maging liberal sa paglilitis sa Impeachment, halimbawa, sa Senado, sapagkat ang habol lang natin ay tanggalin ang nakaupo . . . Ang mga hukuman ng katarungan na ang magiging bahala sa aspetong criminal at sibil nito." Ang pangalwang bagay na dapat linawin ay kung anong antas at bigat ng ebidensya ang sapat sa ilalim ng Saligang Batas upang mapaalis sa pwesto ang isang Presidente? Tandaan po natin na ang ating tinatanong ay ebidensya tungo sa pagtanggal ng nakaupo, hindi ebidensya upang siya'y ipakulong, sapagkat idinidiin sa talakayan sa Constitutional Commission na kababasa lamang natin, na malaki ang kaibahan ng paglilitis na Impeachment sa paglilitis-kriminal. Pakinggan po natin naman ang paliwanagan nina Komis-yonado Davide at Romulo noon ring ika-26 ng Hulyo, 1986: TANONG NI G. DAVIDE. " At, pangwakas, upang hatulan ang isang tao sa Impeachment, kailangan ba ang sinasabing ebiden-syang walang kaduda-duda [tulad sa kinakailangan sa usaping kriminal?] ?" SAGOT NI G. ROMULO." Muli, sapagkat ito'y hindi isang paguusig na kriminal, sa ganang akin, ay hindi po. " At sino si Komisyonado Davide na tinutukoy sa Record ng Constitutional Commission? Siya po ay walang iba kundi ang ating Kagalang-galang na Punong Mahistrado ng Korte Supreme, G. Hilario Davide, Jr., na namamatnugot ngayon sa paglilitis na ito sa Senado. Malaki ang kabuluhan ng mga bagay na ating niliwanag. Sapagkat ang paglilitis natin ay hindi isang paguusig na kriminal, kayat maari nating tanggapin ang ebidensya na pumapalibot sa mga sakdal na kailangang sagutin ngayon ni Presidente Estrada. Hindi ang aking tinutukoy ay ang pagsusuhol kay Pangulong Estrada ng P5 milyun tuwing ika-15 at katapusan ng buwan, para bagang regular na sahod ng karaniwang empleyado sa gobyerno. Iyan ay directong ebidensya, hindi palibot na pangyayari lamang, sapagkat sinumpaan na iyan at susumpaan pa ulit ni Governor Singson na ito'y personal na dala-dala niya at personal nayang ibinigay at personal din tinanggap naman ni Pangulong Estrada. Hinggil dito, si Presidente Estrada ang tanging maaaring tumanggi, sa ilalim ng panunumpa, kung hindi ito totoo, wala ng iba pa. Anuman ang sabihin pa ng kanyang mga abogado, anuman ang kanilang ibibigay na dahilan, sa bagay na ito hindi siya ma-aaring magtago sa likod ng pananahimik sapagkat sa batas may laya siyang magsalita tungkol sa Senado kung nanaisin niya. Ang ating tinutukoy ay ang ebidensiya, halimbawa, ng pagtanggap niya ng P200 milyun na pinadaan sa foundation na ngayo'y sinasabi niya na kanyang pinabuo sa kanyang legal adviser na si Atty. Edward Serapio, para sa mga muslim scholars. Maari natin itanong kung bakit, batay sa ebidensiyang ihaharap namin, kailangan pang ilihim ang pagbigay ni Governor Singson ng nasabing P200 milyun sa nasabing foundation kung malinis naman at totoo ang hangarin sa pagbuo nito? Bakit kailangan pang padaanin muna kay Gg. Yolanda Ricaforte, ang asawang ng isang Undersecretary ng pamahalaan? Bakit kailangang ikalat muna ni Gg. Ricaforte sa limang hiwa-hiwalay na bank account sa iba-ibang branch ng Equitable Bank? At noong ilabas ang salapi, bakit hindi na lamang nilagay ang tseke sa ngalan ng nasabing foundation? Bakit walang anumang pangalan ang mga tsekeng ito, sa laki ng halagang sangkot sa mga trekking ito? Bakit pinadaan pa ito kay Atty. Edward Serapio, ang legal adviser ni Pangulong Estrada, at hindi na dineretso sa foundation? Bakit dineposito muna ang mga tseke sa isang bank account na hindi sa pangalan ng foundation? Bakit pinaligoy-ligoy pa, kung sa haba ng prosesyon ay sa simbahan rin pala magta-tapos? Tungkol po naman sa pagmamay-ari ng lupa at mga manyson na tinitirahan ng mga kinakasama ni Pangulong Estrada, bakit kaya nasa pangalan ng mga korporasyon na walang kakayahan bumili nito? Bakit ang lahat ng mga nasabing korporasyon ay tangan ng abogado at ng mga tsokaran ni Presidente Estrada? Kaninong bank account nanggaling ang puhunan na nilipat sa nasabing mga korporasyon upang mabili nito ang mga lupa at mga mansion itinayo doon? Napakaraming katanungan. Napakalabo ang mga tran-saksyon. Napakahaba ang paikot-ikot at paligoy-ligoy. Tiyak na susubukan ng mga abogado ni Presidente Estrada na paghiwa-hiwalayin ang mga pumapalibot na mga pangyayari na ang tinutukoy ay si Presidente Estrada upang maputol ang pagturo nito sa kanya. Huwag po tayo sanang malito sa pa-ikot ikot at paligoy-ligoy na dinaanan ng mga transaksyon na iyan. Ang mga sakdal na ihaharap sa inyo ay isang larawan na kinakailangan matanaw sa kabuuan upang maanina-wan at matunhayan ang buong katotohanan. Mga maginoong Senador, tanungin ninyo ang sinumang estudyante sa pagka-abogado at kaagad sasabihin sa inyo na sa ilalim ng Saligang Batas ng Pilipinas, mas malawak ang kapangyarihan ng Pangulo ng Pilipinas kaysa sa kapang-yarihan na idinudulot ng Saligang Batas ng America sa Presidente nito. Kaya totoo lamang na hindi maiiwasan na ang personalidad ng ating Pangulo ay magkaka-bakas sa buong pamahalaan at gayun din sa habi ng sambayanan. Ang karacter ng isang pangulo, ang mga asal at paninindigan na kanyang pinahahalagahan, ang kanyang ugali at pananaw sa buhay at sa diyos, ang kanyang pagpa-matapat o' ang kanyang pagkukunwari, ang lahat na ito ay nagbabakas sa isip, puso at diwa ng bayan. Hanggang ngayon, nararamdaman pa natin ang malalim na sukat sa ating isip, puso at diwa na iniwan ng rehimeng Marcos. Ang mga ito ay hindi pa. Kung ating mamaliitin ang mga kasalanan sa bayan ni Pangulong Estrada, ano ang magiging mensahe ninyo sa ating kabataan at sa buong sambayanan? Na walang kabuluhan ang panunumpa? Na ang maykapanyarihan ay maaring mangibabaw sa ating Saligang Batas? Na ang graft and corruption ay hindi masama kung hindi ka pahuhuli o' may mga kakampi ka na handang tatabing sa iyo, anuman ang mangyari sa bayan? Na walang masama sa pagsusugal sa gitna ng matinding kahirapang bumabagabag ngayon sa ating bansa? Ito ba ang magiging pamana natin sa ating kabataan at sa ating susunod na salinlahi? May nagsasabi, na ang pagpawalang-bisa sa nakasalang na mga sakdal sa kapulungang ito ay pagbibigay tiwala kay Atong Ang. Huwag naman sana. Marami na ang kasalanan ni Presidente Estrada sa bayan. Malaki na ang peruwisyo na idinulot niya sa sambayanan. Kayat mabuti pa, mag-resign na siya para sa kabutihan ng bansa. Salamat po. |
|
|